BATA BATA BA'T KA GINAWA?
Kaligayahan, saya, inspirasyon at pagbubuklod ang ilan sa nahuhubog sa bata.
Ngunit, marami ang larawan at eksena na magkakaiba ang pagganap.
Mapalad ang ibang bata na busog sa aruga, sapat sa pangangailangan at hindi humahapdi ang sikmura ngunit paano ang mga batang hindi maibigay ang mahalagang sangkap ng buhay.
Hindi mabilang ang mga bata na umaamot ng kalinga na hindi maibigay nang buo ng mga magulang dahil sa kahirapan, o sa kawalan ng sapat na panahon upang ipadama.
May mga bata na salat sa pagmamahal, kapos sa aral at pag-unawa. Hindi ito binabalewala. Minsan lang ang guhit ng takbo ng pagkabata.
May mga dapat gawin.
May mga dapat unahin.
Kung ang puso ng bawat isa ay marunong tumingin sa mga dapat kalingain at bigyan ng gabay para maging matwid and kanilang kinabukasan..
Kung may mga maunawain na naaantig ang puso at damdamin.
Ito na ang pagkakataon.
Buksan natin ang ating mga puso.
Magmahal at tumulong.
Kailangan pa bang itugma sa okasyon ang damdaming ipagkakaloob sa kanila? Hihintahin pa ba ang Pasko upang ipakita ang anumang ekstensyon ng emosyon sa mga bata?
Minsan din lang ang Pasko, ngunit ang diwa nito ay walang pinipiling petsa sa kalendaryo.