NAGBABALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko laban sa alok na trabaho bilang mushroom pickers sa Canada.
Ayon sa DOLE, walang katotohanan na nangangailangan ang Canada ng 700 mushroom pickers, na may kapalit na kita na P150,000 kada buwan.
Sa kanyang ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Labor Attaché I-designate Celeste Marie Ramos ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Toronto na walang 700 job orders para maging mushroom pickers sa Canada.
Masyado rin aniyang malaki ang P150,000-P180,000 na monthly pay para sa isang typical mushroom picker, dahil ang ganitong uri ng trabaho ay karaniwang may minimum wage sa Ontario at iba pang lalawigan.
Sinabi rin ni Ramos na karaniwan ring prayoridad ng Canadian government na mabigyan ng trabaho ang kanilang mga mamamayan, kaysa mga dayuhang manggagawa.
Pinaalalahanan din ng DOLE ang mga job seekers na maging maingat at kumpirmahin muna sa pamahalaan kung legal ang iniaalok sa kanilang trabaho bago ito tuluyang sunggaban upang hindi mabiktima ng illegal recruiters.