ISA ka ba sa mga miyembro ng SMP o Samahan ng Malamig ang Pasko?
Ayon sa isang survey, kabilang ang buwan ng Disyembre sa mga mataas ang bilang ng mga nagkakadyowa o nag-aasawa.
Wala naman daw kinalaman sa lamig ng panahon tuwing magpapasko. Pero sa ilang napagtanungan ng The Buzzer Team, maraming single ang type magkadyowa sa ganitong panahon.
Mas ganado raw kasi silang magsimbang gabi.
Yong iba naman ay desperado lang talaga at gusto nang makahanap ng kanilang forever.
Ang mga taong ito ang madalas ay nahuhulog sa patibong ng masasamang loob.
Kaya naman ngayong palapit na naman ang panahon ng kapaskuhan, may babala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga taong naghahanap ng kanilang lifetime partner.
Ginawa ng pulisya ang babala matapos na isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang nalinlang ng P600,000 ng taong inakala niyang kanyang 'forever'.
Paalala ng PNP sa publiko, partikular sa mga naghahanap ng lifetime partner sa Facebook at iba pang networking sites na mag-ingat sa pakikipag-ugnayan sa mga personalidad na nakilala lamang nila sa social media.
Kamakailan ay nabuwag ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang isang online dating syndicate na ang huling biktima ay isang OFW na nakunan ng P600,000 nang mahikayat na sumali sa online love matching scheme sa pagbabaka-sakaling magkaroon ng makakapareha sa buhay.
Ang biktima ay si Frederick, 23, isang OFW na nakilala sa Facebook ang isang alyas Angel, 20, ng Sampaloc, Manila pero ang ka-chat pala nito ay isang Angelika Miguel ng Sampaloc, Manila.
Isang ‘identity theft' ang pangyayari dahil ginamit lamang ng suspect ang account at mga larawan ni Angel upang makahanap ng mabibiktima.
Nagkaroon ng relasyon si Frederick at ang inakala niyang si Angel sa loob ng dalawang taon hanggang maengganyo siyang padalhan ito ng pera para makaipon sa kanilang pagpapakasal sa pag-aakalang tunay ang kanilang relasyon.
Ngunit matapos makapagbigay ng aabot sa P600,000 ay saka lang natuklasan ni frederick na sindikato pala ang kausap niya.
Nagpapanggap lang na magandang babae ang mga miyembro ng sindikato na gumagamit ng mga pekeng accounts at larawan.
"Actually yung report on the romance scam, ito ay increasing. Maraming nabibiktima rito. Some people believe that they are having a relationship with a foreigner and sometimes, it's too good to be true,”ayon sa isang opisyal ng pulisya.
Kaya naman paulit-ulit ang paalala ng PNP sa netizens na huwag ibigay ang mahahalagang impormasyon sa sinomang tao na hindi kakilala lalo na sa dating online dahil kadalasan ay scam ito.
Hindi rin dapat magbigay ng pera sa mga taong hindi lubos na kakilala at makabubuting magsagawa muna ng background checking upang hindi maloko ng sindikato.
Naaresto na ang nanloko kay Frederick at patuloy na iniimbestigahan dahil sa posibilidad na marami na itong naloko. Pinaghahanap na rin ang iba pang kasamahan sa sindikato ng suspek.