Tuesday, March 12, 2019

BAHALA NA


Wala ba tayong magagawa?
Isa sa mga atityud ng mga Filipino ay ang umasa sa bahala na, isang ekspresyon  na nananalig na ang mangyayari ay siguradong magaganap.
Sa harap ng mga hamon at pagsubok ay madalas na susulpot ang dalawang kataga na ito ngunit may positibong anyo ito dahil ang resulta ng pagpupunyagi ay hindi konkretong mangyayari ayon sa inaasahan kaya inihahanda na lang ang sarili sa mangyayari.
Ang Isang mukha ng interpretasyon ay negatibo ang dating kung ang pagsandig sa bahala na ay pag-amin ng kakapusan ng kakayahan tupdin ang responsibilidad at gawain upang makamit ang magandang resulta.
Sa mundo ng kawalan ng pag-asa ay dinadaan na lang ng iba sa hinaing at malalim na buntunghininga ang desperasyon dahil takot gumawa ng hakbang.
Ang mga balangkas ay hanggang nakaguhit pero hindi pinapantay para maitayo nang matatag.
Tapos sa bahala na isasandal.
May kapasidad ang tao na gawin ang gustong gawin upang makamit ang matamis na bunga ng pinaghirapan ngunit likas sa iba na ilaylay ang mga balikat at tanggapin ang anumang resulta ng walang katiyakan na inaabatan.
Tipikal na tanawin at mauulinigan ang paggamit sa Diyos bilang sandigan.
Diyos na ang bahala sa akin. Ipapasa Diyos ko na lang ang lahat.
Por Diyos,  por santo.
Kung gumawa ang tao ng magandang hakbang ay walang masama na iasa ang produkto sa Diyos dahil may plano ang Maykapal para sa tao at may nakalaang tugmang panahon dito.
Subalit,  kung sa Diyos ipauubaya ang lahat ngunit hindi naman gumagalaw at laging nakatunganga ay wala ngang biyaya na sasayad sa palad.
Nasa Diyos ang awa,  ngunit nasa tao ang gawa,  ayon sa palasak nang kasabihan.
Huwag lahing isipin na kayo ay pinagpala.
Ang pamantayan at moral ng tao ay nababanaag sa bahala na na ekspresyon. Dalawa ang bersyon.
Ang pagbaling sa mga katagang ito ay tanda ng pagsuko. Isinusuko ang kapalaran sa kung ano ang nakatakda.
May Kanya-kanya tayong interpretasyon at impresyon.
Iba ang trato ng ilan sa kaisipang ito, salungat sa ibang dikta ng paniniwala.
Kung kayo ay naiipit sa sitwasyon na kailangan nyong mamili matapos ang masusi  at pinag-isipan nang husto na mga proposisyon ay may sapat na rason upang ikabit sa bahala na ang solusyon.
Ang mentalidad ng ibang mga Filipino ay hindi pa nakakahulagpos sa impluwensya ng negatibong parte ng bahala na.
Kahit hindi daglian ay kaya natin na baguhin ang nakasanayan.
Sa positibo tayo.
Nakababahala kung laging aangkla sa negatibong saloobin.

No comments:

Post a Comment