Friday, August 31, 2018

SINO ANG PUMATAY SA CO-ACTOR NI COCO MARTIN?

SINO ang pumatay kay Arnold Corpuz?
Si Corpuz ang Kapamilya actor na natagpuang walang buhay at tadtad ng saksak sa bahay nito sa Silang, Cavite.
Ayon sa mga kaanak ng 38-anyos na aktor, noong Lunes pa nila hindi matawagan si Corpuz kaya Miyerkules ng gabi ay nagpasya silang pasukin na ang bahay nito sa Brgy. Biga 1, Silang, Cavite.
Nadatnan nilang tadtad ng saksak ang katawan ni Corpuz sa sala ng bahay.
Nakasuot lamang ito ng underwear at medyas.
Mag-isa umanong naninirahan sa nasabing bahay ang biktima pero madalas itong may bisita.
Ayon sa Cavite police, may natagpuan na tatlong baso at alak sa balkonahe ng bahay na indikasyon na mayroon itong mga kasama bago nangyari ang krimen.
Dito rin nadiskubreng nawawala ang dalawang cellphone at mga alahas ng biktima kaya maaaring pinagnakawan ito.
Si Corpuz ay gumanap na alkalde na nabiktima ng ambush sa “Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin. Gumanap din ito sa Bagani at iba pang teleserye sa Kapamilya network.
Sa ngayon ay nangangapa pa ang mga awtoridad kung sino ang huling nakasama ng biktima bago ito natagpuang patay.
Sino nga ba ang pumatay kay Arnold Corpuz?

Thursday, August 30, 2018

AMOY PASKO NA

BER MONTHS: AMOY PASKO NA!

Naririnig ko na ang mga kantang pang Christmas.
Huling linggo pa lang ng buwan ng Agosto.
Sa tingin ko ay gusto nang itiklop ng iba ang pahina ng Agosto sa kalendaryo. Kung puwede lang hatakin ang mga huling araw ng buwan upang pumaibabaw na ang September.
Ibang antisipasyon at pananabik ang haplos ng ber months sa madla. Kakaiba.
Bakit sabik na inaabatan ang ber months?
Ang mga buwang ng September,  October,  November at December ang bumubuo ng ber months.
Ano nga ba ang hatid ng mga buwang ito para maging espesyal at mainit ang pagtanggap sa mga ito?
Unang pumapasok ang diwa ng Pasko kapag ber month na
Sinisindihan nito ang sigla at pambihirang nararamdaman ng mga tao.
Sabi nga amoy pasko na.
Ang pasko ang "the most wonderful time of the year."
Sa Pilipinas ang pinakamahabang pag-obserba ng maningning at makulay na okasyon. Basta ber month na, handa na ang karamihan sa anumang paghahanda na kinapapalooban ng paggawa ng mga dekorasyon na palamuti para lalong tumingkad ang diwa ng okasyon.
Tuwa,  saya at kasaganahan ba ang hatid ng ber months?
Sana. Wish ito ng halos lahat ngunit iba ang repleksyon ng realidad.
Kahit sa okasyon na dapat ay masaya at sagana ang lahat ay may mga nilalang na salat pa rin.
Iyan ang hayag na katotohanan.
Kung ang panukat lang sa kaligayahan ay ang pag-ibig at hindi ang materyal na bagay ay tiyak na marami ang salat sa pera na hindi makararanas ng blue Christmas.
Amoy pasko na!
Ano ang wish nyo?

Sunday, August 26, 2018

MALAS BA ANG BUWAN NG AGOSTO?

Iniuugnay ang Agosto sa kahirapan at ito umano ay malas na buwan.
Hindi ito ang buwan para magpundar ng negosyo, lumipat ng bahay, magpakasal at iba pang okasyon.
Tinatawag na ghost month ang August.
Ito ay paniniwala na ang mga kaluluwa ay pinapayagang makalabas sa impyerno para gumala sa ibaba - ang mundo.
Ginagambala umano ng mga kaluluwa ang mga tao kaya maraming kaugalian at sakripisyo ang pinaiiral at sinusunod ng mga nilalang na nabubuhay upang maiwasan ang masama o trahedyang inihahasik ng mga kaluluwa.
May tinatawag na ghost festival at ang mga nabubuhay ay nag-aalay ng pagkain at ang iba ay nagsusunog ng pera para sa sakripisyo nang makaiwas sa panliligalig ng mga kaluluwa.
Iwasan ang mga bagay tulad ng pagsusuot ng damit na may marka ng iyong pangalan 
Masama ring tapikin sa balikat ang kaibigan, hindi makabubuti sa matatanda at bata na lumabas sa gabi.
Para makontra ang masamang dulot ng panliligalig, ang mga tao ay may pangontrang dala tulad ng bigas, asin,  tubig at ibang metal na magtataboy sa malas.
Sa kaugaliang nakagisnan,  hindi paborable sa buwang ito ang magpakasal,  magdaos ng iba pang okasyon at bumiyahe nang malayo.
Ngunit ang mabuting tao ay hindi dapat mag-alala dahil ang kabutihan ang pinakamabisang panlaban sa banta ng mga kaluluwang nakalabas para gumala.
Hindi sa nais namin na kayo'y gambalain o takutin,  ngunit yaring ghost month ay nakababahala.

CELEBRITY SUICIDE KAHINDIK-HINDIK

NAKAGUGULAT.
Natagpuang patay ang alamat ng Hollywood na si Robin Williams sa kanyang tahanan sa California noong 2014. Hinihinalang nagpakamatay ang sikat na aktor.
Namatay siya bunga ng asphyxiation o kawalan ng hangin.
Nakagugulat,  Hindi kapani-paniwala dahil sikat at iniidolo ay nagwakas ang buhay sa trahedya.
Isa lang si Williams sa mga celebrities na kinitil and sariling buhay.
Marami ang nakisimpatiya, nalungkot at iba't iba pang emosyon na hinabi ng nakapangingilabot na katagang SUICIDE.
Sa edad na 27 anyos ay niyanig ang mundo ng musika nang barilin ni Kurt Cobain ang kanyang sarili.
Lead singer ng pamoso at kinahihibangang music group, ang pagpanaw ni Cobain ay nagpainit pa ng kanyang kasikatan ngunit may panghihinayang na sumapuso sa music lovers.
Sa sports, ang linebacker ng Kansas City Chiefs na si Jovan Belcher ay binaril at napatay ang kanyang kasintahan. Dala ang sasakyan ay nagtungo siya sa headquarter ng koponan at mismong sa harap ng kanyang coach at general manager ay binaril nito ang sarili.
Kahindik-hindik ang pangyayari. 
Sa lokal,  ang produkto ng talent search ng isang TV network ay bumaling din sa suicide para kitlin ang sariling buhay.
Ang 26 anyos na sa Tyrone Perez ay namatay sa loob ng kanyang sasakyan matapos magpatiwakal.
Ano ang mga dahilan? 
Kung ang mga ordinaryong tao ay lumalaban para mabuhay ay bakit ang mga sikat, hinahangaan at sagana sa pera at karangyaan ay sumuko at pinutol ang kinaiinggitan ng marami na magarbo at maningning na mundo?
Sa pagsasaliksik at pagkuha ng reaksyon, ang ilan sa mga naghihikayat ng pagpapatiwakal ay ang pagkabalisa, takot, droga at alcohol.
May kaugnayan o malaking kontribusyon din ang mental illness at ang tinatawag na major depressive disorder  (MDD).
Ang depresyon ay maaring bunga ng sobrang paghahangad na hindi maabot.
Ang katanyagan ay nagkakait sa celebrities ng sariling mundo na wala ang kinang.
Kailangan nilang ipakita sa mga tagahanga na sila ay bagay na hindi pangkaraniwan. 
Marupok sila sa pagsubok dahil hindi nila dapat ipakita ang kahinaan bilang pag-aari ng publiko.
Kapag nahirati sa kasikatan, ito ay nagsisilbing takot na sa kalaunan ay babagsak at nawawalan sila ng kinang. 
Dahil sa sobrang paghahangad at hindi makuntento sa narating, ang kabiguang matamo ang higit na inaasam ay nagdudulot ng stress na hahantong sa depresyon.
Maraming dahilan. Iba't iba ang kaso ng pagpapatiwakal at higit na mas marami ang reaksyon at emosyon na mababakas sa mga tagahanga.
Nakapanghihinayang. Nakalulungkot.  
Hindi kapani-paniwala at mahirap tanggapin.
Ngunit ang entablado ng celebrities ay puno ng saya,  ningning at drama, 
At ang wakas ng bawat palabas ay sorpresa at nakagugulat.

Tuesday, August 7, 2018

XANDER FORD NASAYANG ANG RETOKE

HINDI pa rin daw masaya si Xander Ford ngayong nagbago na ang kanyang hitsura.
Nasayang nga ba ang pagpaparetoke ng 21-anyos na binatang nagmula sa General Trias, Cavite?

Ang siste raw kasi, ayon mismo kay Xander, pangit pa rin ang tingin sa kanya ng marami. Kahit pinili niyang 'ilibing' si Marlou Arizala ay iyon pa rin daw ang nakikita ng iba.
Pilit niyang binubura si Marlou pero binubuhay pa rin ng mga tao lalo na ng kanyang mga detractor.

Hinaing ng binata, hindi pa rin nababago ang impression sa kanya ng publiko. Ang tingin pa rin daw sa kanya ay pangit at mayabang. Aminado naman ang binata na sumobra ang kanyang paggamit ng social media noon dahil halos buong buhay na niya ang inilantad niya kaya naman na-misinterpret siya ng publiko.
Masasabi ngang hindi effective ang transformation ni Xander dahil wala namang lumapit sa kanya at nag-offer ng mga project matapos ang panggulat niyang pagbabalik sa telebisyon.
Bongga ang paglitaw ni Xander Ford na talaga namang inabangan ng netizens pero ilang linggo lang yong pinag-usapan at agad ding humupa ang paghanga ng tao.

At dahil mistulang dinededma na siya sa showbizness, naisipan ng binata na bumalik na lang muna sa eskwela.
Tama naman, dapat talagang pagtuunan din niya ng pansin ang pag-aaral dahil ang showbiz ay hindi stable lalo na sa tulad niya na sumusubok pa lang ay tila nawawalan na ng kinang.
Balita namin ay mag-dance at voice lesson din si Xander bilang paghahanda raw sakaling magkaroon na siya ng project, TV man o pelikula.
Iyon ay kung may magkainteres pang bigyan siya ng project.
Kung meron mang higit na nanghihinayang sa hindi pagki-klik ng retoke ni Xander, iyon ay ang kanyang mga sponsor na naglaan ng pera at oras para mabago ang kanyang hitsura pero waley pala.

Saturday, August 4, 2018

CJ RAMOS, CHILD STAR NOON, ADIK NA NGAYON

NATATANDAAN pa ba ninyo ang makulit na batang si Budoy sa Ang TV Movie: The Adarna Adventure? O ang binatilyong si John John sa pelikulang Tanging Yaman?
Siya si CJ Ramos o Cromell John Ocampo Ramos na 31-anyos na ngayon.
Nitong Hulyo 31, taong ito, ginulat ni CJ Ramos ang kanyang mga fans nang bumalandra sa mga telebisyon ang kanyang mukha. Wala na ang bakas ng isang makulit at bibong bata o ang seryosong binatilyo na natunghayan nila noon sa telebisyon at pelikula.
Nakasuot ng dilaw na T-shirt at may posas na si CJ.
Ito ay makaraang maaresto siya ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa buy-bust operation sa Quezon City.
Nadakip ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police ang aktor, alas-10:50 ng gabi sa Tandang Sora St., ilang minuto matapos niyang bumili ng isang sachet ng shabu kay Louvella Gilen, alyas “Jacky”, 36, ng Block 3 Morning Star Drive, Sanville Subdivision.
Agad sumailalim sa drug test at inquest proceedings sa Quezon City Prosecutors Office ang aktor at kanya umanong supplier at nagpositibo ang mga ito sa paggamit ng droga.
Si Gilen ang target ng police buy-bust operation na naaresto matapos magbenta ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 marked money, habang dinakip naman si CJ matapos makuhanan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Inamin umano ni CJ kay Chief Supt. Eleazar na nagsimula siyang magdroga sampung taon na ang nakararaan subalit, nagpaplano nang mamuhay ng normal bago muling natukso na bumili ng isang sachet.
Kabilang sa mga naging pelikula ng aktor ang Cuchera (2011) at Exchange (2012).
Ilang ulit din siyang naging nominado sa FAMAS bilang Best Child Performer, Best Child Actor at nagwagi sa kategoryang Best Performance by Male or Female, Adult or Child, Individual or Ensemble in Leading or Supporting Role ng Young Critics Circle Award sa kanyang ipinamalas na galing sa pag-arte sa pelikulang Tanging Yaman taong 2000.
Walang direktang maisagot ang aktor kung bakit siya nagdodroga.
Tanging nasabi niya ay nagsisisi siya, pero huli na.
Si CJ at ang kanya umanong supplier ng shabu nang iharap sa mga mamamahayag sa tanggapan ng NCRPO.