Saturday, August 4, 2018

CJ RAMOS, CHILD STAR NOON, ADIK NA NGAYON

NATATANDAAN pa ba ninyo ang makulit na batang si Budoy sa Ang TV Movie: The Adarna Adventure? O ang binatilyong si John John sa pelikulang Tanging Yaman?
Siya si CJ Ramos o Cromell John Ocampo Ramos na 31-anyos na ngayon.
Nitong Hulyo 31, taong ito, ginulat ni CJ Ramos ang kanyang mga fans nang bumalandra sa mga telebisyon ang kanyang mukha. Wala na ang bakas ng isang makulit at bibong bata o ang seryosong binatilyo na natunghayan nila noon sa telebisyon at pelikula.
Nakasuot ng dilaw na T-shirt at may posas na si CJ.
Ito ay makaraang maaresto siya ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa buy-bust operation sa Quezon City.
Nadakip ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police ang aktor, alas-10:50 ng gabi sa Tandang Sora St., ilang minuto matapos niyang bumili ng isang sachet ng shabu kay Louvella Gilen, alyas “Jacky”, 36, ng Block 3 Morning Star Drive, Sanville Subdivision.
Agad sumailalim sa drug test at inquest proceedings sa Quezon City Prosecutors Office ang aktor at kanya umanong supplier at nagpositibo ang mga ito sa paggamit ng droga.
Si Gilen ang target ng police buy-bust operation na naaresto matapos magbenta ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 marked money, habang dinakip naman si CJ matapos makuhanan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Inamin umano ni CJ kay Chief Supt. Eleazar na nagsimula siyang magdroga sampung taon na ang nakararaan subalit, nagpaplano nang mamuhay ng normal bago muling natukso na bumili ng isang sachet.
Kabilang sa mga naging pelikula ng aktor ang Cuchera (2011) at Exchange (2012).
Ilang ulit din siyang naging nominado sa FAMAS bilang Best Child Performer, Best Child Actor at nagwagi sa kategoryang Best Performance by Male or Female, Adult or Child, Individual or Ensemble in Leading or Supporting Role ng Young Critics Circle Award sa kanyang ipinamalas na galing sa pag-arte sa pelikulang Tanging Yaman taong 2000.
Walang direktang maisagot ang aktor kung bakit siya nagdodroga.
Tanging nasabi niya ay nagsisisi siya, pero huli na.
Si CJ at ang kanya umanong supplier ng shabu nang iharap sa mga mamamahayag sa tanggapan ng NCRPO.

No comments:

Post a Comment