Sunday, March 11, 2018

80 PORSIYENTO NASA WATCHLIST

Tinatayang 80 porsiyento sa mga miyembro ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office ang nasa watchlist ng Counter Intelligence Task Force dahil umano sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
Gayunman, nilinaw ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde na maaari pang tumaas o bumaba ang nasabing bilang, depende sa magiging resulta ng isinasagawa ngayong pagsisiyasat.
"Nagpapatuloy pa sa ngayon ang ating validation and prosecution efforts ... na bahagi sa kampanya sa paglilinis ng hanay ng ating mga pulis," ani Albayalde.
Nauna nang inihayag ni Albayalde na batay sa paunang imbestigasyon, may mga pulis sa Metro Manila ang pinaniniwalaang sabit sa extortion, kidnap for ransom at illegal drugs.
Sinabi pa ng heneral na sa 29,222 tauhan ng NCRPO, karamihan sa mga nasa watchlist ay may ranggong Police Officer 1 (PO1) at nakatalaga sa Manila Police District, Quezon City Police District (QCPD) at Southern Police District.
"Meron tayong listahan nito, meron tayong watch list dito kaya ito pinaigting natin 'yung counterintelligence operations para ma-weed out pa natin itong mga sinasabing gumagawa pa ng hindi maganda. Sila ang dahilan kaya nadadawit 'yung nakakarami sa amin sa kapulisan," dagdag nito.
Kasabay nito, binanggit pa ni Albayalde na masusi na nilang mino-monitor ang isang pulis na may ranggong PO1 na nagawang makapasok sa PNP kahit may nakabinbin itong kasong kriminal.

No comments:

Post a Comment