Hindi na kinakailangan pa ng mga Katoliko na saktan ang sarili o magpapako sa Krus tuwing panahon ng Mahal na Araw upang ipakita na nagsisisi sila sa kanilang mga kasalanan.
Ito ang ipinaalala kahapon ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa mga mananampalataya kaugnay ng nalalapit na paggunita sa Mahal na Araw.
Ayon kay Secillano, hindi hinihiling ng Simbahang Katoliko sa mga mananampalataya na magpenitensya sa pamamagitan nang pananakit sa sarili at pagpapapako sa Krus para mapatawad sila sa kanilang kasalanan.
Sinabi ng pari na nagawa na ni Hesukristo ang pagpapakasakit sa krus para tubusin tayo mula sa kasalanan at hindi na ito kailangan pang ulitin ng tao.
Paalala pa niya, ang mas mahalaga ay mangumpisal ang mga mananampalataya kung talagang nais nilang pagsisisihan nang taos-puso ang kanilang mga kasalanan at pagkakamali.
Dapat din aniyang manalangin, magnilay at magbalik-loob sa Panginoon sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagtulong sa kapwa.
Una nang sinabi ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko na ang katawan ng tao ay sagrado at hindi dapat na abusuhin at saktan.
Ikinalulungkot rin nila na ang pagpapapako at pananakit ng mga tao sa kanilang katawan tuwing Kuwaresma ay nagiging commercial o naging negosyo na dahil naging tourist attraction ito.
No comments:
Post a Comment