MASAKIT sa isang ina na mawalay sa kanyang mga anak lalo na sa kanilang kamusmusan-ang panahon na higit nilang kailangan ang kalinga ng isang ina.
Pero sa panahon ngayon na laganap ang kahirapan, titiiisin ng isang magulang na mawalay sa kanyang mga anak kaysa makita silang nagugutom o nagkakasakit ngunit hindi niya maipagamot.Sa bayan ng Isabela sa Negros Occidental, isang ginang na tinukoy ng mga awtoridad sa alyas na Maureen (upang mapangalagaan ang kapakanan ng kanyang mga menor-de-edad pang anak) ang nangarap din ng maginhawang buhay para sa mga anak. Maliit ang kinikita ng kanyang asawa at wala itong ibang alam na paraan para umangat ang kanilang buhay kaya nagpasyang mangibang bayan ang ginang pero mapait ang karanasang sinapit sa kanyang pagbabalik.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya ng Isabela, nito lamang nakalipas na Biyernes umuwi si Maureen mula sa Middle East.
Diumano, tutol ang mister ni Maureen na si alyas Jessie sa kanyang pag-a-abroad. Duda kasi ito na matutulad ang misis sa iba na nang matapos ang kontrata ay hindi na umuwi dahil may bago nang karelasyon.
Pero dahil desidido si Maureen na baguhin ang takbo ng pamumuhay nila ay itinuloy nito ang desisyong umalis. Tutol man ang asawa.
Dahil sa hindi nila pagkakaintindihan ng mister, sa halip na dumiretso sa kanilang bahay ay sa bahay ng mga magulang siya tumuloy.
Nakarating kay Jessie ang balita na bumalik na sa bansa ang misis pero hindi ito umuwi sa kanila bagay na lalo niyang ipinagngitngit.
Kamakalawa, pinuntahan ni Maureen ang kanilang bahay para bisitahin ang mga anak at ibigay sa mga ito ang kanyang pasalubong.
Sinalubong siya ng galit na galit na mister kasunod ang malutong na sampal.
Nagtalo ang mga ito. Nagsumbatan.Sa isang iglap, may hawak nang patalim si Jessie.
Puno ng galit, hinanakit at selos, itinarak ni Jessie sa katawan ng asawa ang patalim.
Binawian ng buhay si Maureen bago pa madala ng mga nagmalasakit na kapitbahay sa ospital.
Ni hindi niya nagawang mayakap ang mga anak. O makumusta ang mga ito.
Ang pangarap na binuo niya sa dalawang taong pagpapakahirap sa ibang bayan ay hindi na niya mabibigyang katuparan.
Hindi na rin niya mapupunan ang mga pagkukulang sa mga anak. Lalaki silang wala nang ina at wala ring kakalingang ama dahil sa sandaling mahuli ito ng mga awtoridad ay lilitisin ito para pagbayaran ang nagawang krimen.
No comments:
Post a Comment