Sunday, April 8, 2018
LIBONG OFWs MAY AIDS
UMAABOT na sa 5,537 ang bilang ng mga overseas Filipino workers na nahawahan na ng HIV.
Ito ang dahilan kung bakit naaalarma si ACTS-OFW Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz III dahil ang 5,537 ay kumakatawan sa 11% ng kabuuang 52,280 na kaso ng may HIV-AIDS sa listahan ng Department of Health’s National HIV/AIDS Registry na naitala nitong Pebrero 28 lamang.
"This is very unfortunate, because if we look at the median age of these OFWs – at 32 to 34 years old – they are actually at the top of their lives in terms of potential workforce productivity," ani Bertiz.
Nito lang aniyang nagdaang Enero hanggang Pebrero ng taong ito ay naitala ang 140 OFW na nagpositibo sa HIV kung saan 129 dito ay lalaki at 11 ay babae.
Batay sa ulat ng DOH, ang pagkahawa ng nasabing bilang ng OFW ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Dahil dito, kinalampag ng kongresista ang Department of Labor and Employment na magpakalat ng mga impormasyon ukol sa HIV/AIDS awareness at kung paano ito maiiwasan.
Giniit ng mambabatas na makababawas sa paglaganap ng sakit ang mga impormasyon ukol dito dahil ito ang magsisilbing gabay upang makaiwas sa impeksyon ang mga OFW na bantad sa iba't ibang kultura lalo na ang pakikipagtalik sa higit iisang partner.
Lalo na aniya ang mga Filipino sailor na sa bawat pagdaong sa iba't ibang pier sa buong mundo ay malaki ang posibilidad na makahanap ng mga babaeng partner na may HIV.
Sa kabuuang 5,537 OFWs sa HIV/AIDS registry ng gobyerno lumalabas na 86% rito o 4,763 ay mga lalaki.
Ang nakalulungkot aniya ay hindi na ngayon matukoy kung ilan sa mga ito ang dying o maaaring bed ridden na dahil walang track mortality ang DOH dito.
Bukod aniya sa nakatalang 52,280 na kabuuang bilang ng may HIV-AIDS ay nasa 2,511 ang namatay at noong nakaraang taon ay may 41 Pinoy ang namamatay buwan-buwan dahil sa nabanggit na sakit.
Labels:
NEWS
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment