BINULABOG na naman ang isang sangay ng SM malls matapos tumalon sa kanyang kamatayan mula sa ikaapat na palapag ang hindi pa nakikilalang babae kahapon ng tanghali sa North Edsa, Quezon City.
Sa ulat na natanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo L. Eleazar, pasado alas-12:00 ng tanghali nang gulantangin ang mga tao sa paglagapak ng katawan ng babae sa SM North Annex building sa Barangay Sto. Cristo BB ng nasabing lungsod.
Ayon kay SPO1 Lorenzo Macaraeg ng QCPD Station 2, nakatanggap sila ng tawag mula kay Elyss Rodolfo Pa-nganiban, SM Supervisor Security Office at ini-report ang naturang insidente.
Isinugod pa ang biktima sa Quezon City General Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival dahil na rin sa labis na pinsala sa ulo at katawan.
Ayon kay Panganiban, abala umano siya sa pagroronda nang makarinig nang tilian ng mga mallgoer at nang kanyang usisain kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga ito ay tumambad sa kanya ang duguang babae.
Nabatid sa ilang saksi, napansin nila na tila wala sa sarili ang babae at umiiyak habang palakad-lakad sa mall. Bigla na lamang umano itong tumalon na ikinabigla ng lahat.
Diumano, bago nagpatiwakal ay bumili pa ng plastic na upuan ang biktima na tinatayang 30-anyos pataas, na kanyang ginamit na tuntungan bago tumalon.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima upang maabisuhan ang pamilya nito.
Matatandaan na ilang linggo pa lamang ang nakararaan ay isang kostumer din sa nasabing sangay ng SM ang pinatay ng nakaalitang technician.
Si Geroldo Ramon Querijero, 56, ay pinagsasaksak ng suspek na si Leo Laab, head technician ng PC Home Service Center na nasa 5th Floor ng SM City Annex Bldg., North Avenue, EDSA.
Nagtalo umano ang dalawa nang ipagpilitan ng biktima na kunin ang ipinagawang lap-top sa kabila na hindi nito dala ang kanyang resibo. Nang bumalik sa shop si Querijiro makalipas ang ilang oras at dala na ang kanyang resibo ay muli silang nagtalo ni Laab at doon na siya nito pinagsasaksak.
Ang patalim ay binili umano ni Laab sa kitchenware section sa loob ng SM bilang paghahanda matapos siyang bantaan na babalikan ng kostumer. Patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad si Laab.
Buwan naman ng Oktubre noong isang taon nang mag-suicide din ang isang babae sa SM Megamall sa Mandaluyong City.
Dakong alas-3:15 ng hapon nang tumalon mula sa ikalimang palapag ng Building B ng Megamall ang babae at bumulusok sa basement.
Bago ito, may nakapansin din umano sa biktima na tila balisa habang naglalakad-lakad sa mall.
Noong Pebrero 14, 2016 ay isa ring malagim na trahedya ang nangyari sa SM Mega-mall nang tumalon mula sa Building B ang isa ring babae.
Nag-viral sa social media ang pagsu-suicide ng babae na nangyari sa mismong Valentine’s Day.
No comments:
Post a Comment