Thursday, October 5, 2017

NAKONSENSIYANG PULIS, NAG-SUICIDE

Binagabag ng konsensiya o napahiya?
Ito ang tinitingnang dahilan ng pagpapatiwakal ng isang pulis na kinasuhan dahil sa pagpatay sa inaresto nilang 64-anyos na lola sa Ormoc City.

Ayon kay Police Supt. Carlito Gallardo, acting chief ng Ormoc City police station 1, iniimbestigahan pa ang umano'y pagpapatiwakal ni PO3 Eleazar Tero, intelligence officer ng kanilang tanggapan na nasibak kamakailan sa pwesto dahil sa nabanggit na kaso.

Base sa report, nagpatiwakal si Tero sa bahay nito sa Baranggay Curva kung saan natagpuan itong nakabitin gamit ang lubid.

Sinabi pa ni Gallardo, patuloy pa nilang inaalam kung ano ang dahilan ng suicide ni PO3 Eleazar bagaman mismong ang pamilya nito ang nakaaalam umano sa tunay na dahilan.

Si Tero ay isa sa walong pulis mula sa Ormoc City police station 1 na sinibak sa pwesto matapos masampahan ng kasong murder at arbitrary detention dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa biktima.

Una nang na-relieve ang station commander na si Chief Insp. Omar Cartalla, kasama sina PO2 Ernie Clemencio, PO1 Ritchie Sy at PO1 Ryan Refuerzo.

Ang naturang reklamo ay nag-ugat sa pagkakapatay sa umano’y bigtime swindler na si Lorna Soza na nakita ang bangkay na binalot ng packing tape.

Si Chief Insp. Shevert Alvin Machete, hepe ng Kanangga police ang mismong nagsampa ng kaso sa mga sangkot na pulis.
Ayon sa ulat, bago natagpuan sa damuhan ng Barangay Naghalin sa Kananga, Leyte ang bangkay ng matandang si Soza ay nakita ito ng ilang saksi na dinampot ng mga pulis at isinakay sa isang patrol car.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.

No comments:

Post a Comment