Pinaalalahanan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa Guam na manatiling kalmado at mag-ingat.
Ito'y sa gitna na rin ng pagbabanta ng People’s Democratic Republic of Korea na pasasabugin ang mga teritoryo ng Amerika.
“Matapos ang konsultasyon kasama ang Department of Foreign Affairs, walang inilabas na travel restriction sa mga manggagawang Filipino ngunit sila ay pinayuhan na mag-ingat sa kanilang pananatili sa Guam,” nakasaad sa Resolution No. 04, na inisyu ng POEA Governing Board.
Nauna rito, isinailalim na ng DFA ang Guam sa ilalim ng Crisis Level 1, Precautionary Phase, dahil sa pagbabanta ng People’s Democratic Republic of Korea na magpapasabog sila ng nuclear missile laban sa Guam.
Pinayuhan rin nito ang mga OFWs na i-monitor ang balita mula sa mga mapagkakatiwalaang mamamahayag at sa mga opisyal na pahayag mula sa pamahalaan ng Guam, at isa iba pang awtoridad ng US, gayundin mula sa Philippine Consulate General.
Kaugnay nito, inatasan na ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na siya ring chairman ng POEA Governing Board, ang International Labor Affairs Bureau na bantayan ang sitwasyon at ipaalam sa kanya ang lagay ng mga OFW sa Guam.
Nakahanda na rin ang contingency plans, pati na ang pagpapauwi sa mga OFW kung kinakailangan, sakaling hindi na magiging ligtas ang mga Filipino sa Guam at South Korea.
“Handa kami sa anumang pangangailangan dahil isinasaalang-alang namin ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Ngunit sa ngayon, nananatiling normal pa ang sitwasyon doon (sa Guam at South Korea) at wala pa kaming natatanggap na hiling na repatriation,” ani Bello.
Nabatid na bukod sa pagpapauwi, may nakahanda ring tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga OFW na uuwi mula sa Guam at South Korea.
No comments:
Post a Comment