Tuesday, October 10, 2017

SEAMAN NAGOYO SA MALL

PAALALA sa mga galing abroad ang sinapit ng isang seaman na matapos umanong paamuyin ng gamot na pampahilo ay napapayag na bumili ng mga produktong nagkakahalaga ng mahigit P60,000 sa isang mall sa Caloocan City.
Dumulog sa himpilan ng pulisya si Lorrie Bacuta, 36, ng Block 33, Lot 23, Area 2, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City upang personal na magsampa ng reklamo.
Ayon kay Bacuta, namamasyal siya sa Victory Mall sa Monumento dakong alas-8 ng gabi nang harangin siya ng isang babaeng kawani ng Michikiwa Enterprise at pilit na pinapasok sa isang stall para alukin ng kanilang mga produktong herbal at pang-masahe.
Habang ipinakikilala ang kanilang produkto, minamasahe umano siya ng isang kawani hanggang may ipinaamoy sa kanya ang babae na naging dahilan upang makaramdam siya ng matinding pagkahilo.
Hindi maipaliwanag ni Bacuta kung paano nakuha sa kanya ang ATM card at nagawang ma-withdraw ang halagang P62,900 na kabayaran sa mga binili raw niyang produkto.
Bumalik lamang sa tamang katinuan si Bacuta nang makalabas na siya ng stall at maalala ang salaping nakuha sa kanya kaya kaagad niyang binalikan ang tindahan, subalit, hindi na pumayag na isoli ang produkto at sa halip ay itinawag pa siya ng taksi na maghahatid sa kanya pauwi at dito na rin isinakay ang binili raw niyang mga produkto.
Pinayuhan pa raw siya na bumalik na lamang kinabukasan, subalit, nang bumalik nga siya upang isoli ang mga produkto ay hindi na pumayag ang may-ari dahilan upang maghain na siya ng reklamo sa pulisya.
Maliwanag na modus operandi ng nasabing tindahan ang mambola at kapag nalito na ang parukyano ay doon lalansihin para mapapayag na bumili ng produkto.

No comments:

Post a Comment