Pinayuhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga manggagawang Filipino na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa na mas maging maingat sa pagtanggap ng alok na trabaho mula sa ibang bansa o 'third country.'
Ito’y matapos na makatanggap ng report ang POEA na may mga Filipino household service workers (HSWs) sa Hong Kong, Singapore at Cyprus ang inaalok na lumipat sa ibang bansa tulad ng Dubai, Mongolia, Turkey at Russia ngunit kinalaunan ay kanilang malalaman na hindi pala maganda ang kondisyon ng kanilang trabaho, o ang malala ay hindi pala totoo ang alok na trabaho.
Ang mga nagre-recruit ay mula sa mga third world country na may mga kasabwat na Filipino sa kanilang iligal na gawain.
May mga natanggap na report na may mga manggagawang nabiktima at nagbayad ng malaking halaga at nagbiyahe sa mga third world country gamit ang tourist visa at walang katiyakan na may employer na naghihintay sa kanila.
May natanggap din na report na may mga nakahanap na trabaho subalit sila ay nakararanas ng pang-aabuso mula sa kanilang employer at ang kawawang manggagawa, dahil sa kakulangan ng tamang dokumento ay inaaresto at pinade-deport ng immigration authorities.
Ang pagre-recruit sa pamamagitan ng third country ay itinuturing na illegal recruitment kung ang recruiter o ang employer ay walang awtorisasyon mula sa pamahalaan ng Pilipinas.
Para sa kanilang pansariling proteksiyon, ang aplikante para sa trabaho sa ibang bansa ay nararapat na may wastong work permit o visa o employment contract na inaprubahan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at prinoseso ng POEA bago sila umalis ng bansa.
No comments:
Post a Comment