Sunday, January 7, 2018

EMPLOYMENT PERMIT SA MGA DAYUHAN

Nagpalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng bagong patakaran sa pagbibigay ng employment permit sa mga foreign national.
Sa Department Order No. 186, Series of 2017, na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, noong Nobyembre 16 at nagkabisa simula nitong nakaraang Disyembre 9, ang mga foreign national ay kinakailangan munang kumuha ng Certificate of Exclusion sa Regional Office ng DOLE, na sumasakop sa lugar na kanilang pagtatrabahuhan, para hindi na sila hanapan pa ng Alien Employment Permit.
Nakasaad pa sa kautusan na ang lahat ng foreign nationals na naglalayong magtrabaho sa Pilipinas ay kinakailangang mag-aplay ng AEP, isa sa mga kinakailangang dokumento para sa pagbibigay ng work visa.
Gayunpaman, ang mga foreign national na hindi na kailangang kumuha ng AEP ay ang mga kasapi ng governing board na may karapatang bumoto at hindi nakasasagabal sa pangangasiwa ng korporasyon o sa pang-araw-araw na operasyon ng negosyo; Presidente at Treasurer, na bahagi ng pagmamay-ari ng kompanya; at iyong nagbibigay ng consultancy service na walang employer sa Pilipinas.
Hindi rin kasama sa pagkuha ng AEP ang: intra corporate transferee na siyang manager, executive, o specialist; empleyado ng Foreign Service supplier na may hindi bababa sa isang taon na tuloy-tuloy na pagtatrabaho bago siya na-deploy sa isang branch, subsidiary, affiliate o representative office sa Pilipinas; contractual service supplier na siyang manager, executive, o specialist at empleyado ng foreign service supplier na walang commercial presence sa Pilipinas; at representative ng Foreign Principal/Employer na nakatalaga sa Office of Licensed Manning Agency (OLMA) alinsunod sa batas, patakaran at regulasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ang isang foreign national na nagnanais na mabigyan ng certificate of exclusion ay kinakailangang magsumite ng liham sa DOLE Regional Director na sumasakop sa lugar na kanyang pagtatrabahuhan; balidong business/Mayor’s permit ng kompanyang naka-base sa Pilipinas; at kopya ng passport na may balidong visa.
Maaaring hingan ng karagdagang dokumento ang foreign national na nag-aaplay ng certificate of exclusion.
Para sa President, Treasurer, at Members of Governing Boards (hindi kabilang ang nakatala sa Foreign Investment Negative List), dapat silang mag-sumite ng certified true copy ng updated General Information Sheet kung saan makikita ang pangalan at posisyon ng foreign national; sertipikasyon na ang humihiling na foreign national ay miyembro ng governing board at may voting rights lamang, at hindi namamagitan sa pangangasiwa at operasyon ng negosyo, at walang intensiyon na magtrabaho; at Certificate of Election ng Board Secretary.
Para sa intra-corporate transferees, kinakailangan silang mag-sumite ng Contract of Employment mula sa originating company, kasama ang proof of salary, at Second Agreement.  
Samantala, ang contractual service suppliers ay kailangang mag-sumite ng Contract of Employment mula sa origin company, kasama ang proof of salary, at service contract sa pagitan ng Philippine-based company at ng foreign company.  
Para sa mga consultant, kailangang isumite ang service contract sa pagitan ng Philippine-based company at ng consultant o foreign consulting company; habang ang representatives ng Foreign Principal/Employer na nakatalaga sa OLMA, ay kailangang mag-sumite ng Letter of Acknowledgement mula sa POEA.
Ang certificate of exclusion ay dapat bayaran sa halagang P500 kada apikasyon at kailangang ma-isyu ng DOLE Regional Office sa loob ng dalawang araw matapos matanggap ang kumpletong dokumento at bayad. 

No comments:

Post a Comment