Hindi isinasantabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administra-tion (PAGASA) ang posibilidad na ulanin ang “Traslacion” ng Poong Itim na Nazareno sa Martes.
Ayon kay Robb Gile ng PAGASA, asahan nang magiging maulap ang himpapawid subalit maaaring maranasan ang mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan na epekto ng hanging Amihan.
"Posibleng maging bahagyang maulap hanggang sa maulap ang kalangitan so generally, medyo maganda naman ang ating panahon by that time. Ngunit, posible ang mga light to moderate rains dahil sa amihan," ani Gile.
Patuloy aniyang umiiral ang Amihan sa dulong Hilagang Luzon na magdudulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands. Bahagya ring apektado ng Amihan ang Ilocos, Cordillera at Cagayan Valley na makararanas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan.
Idinagdag pa ni Gile na may mataas na tiyansa ng pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Bicol, Eastern Visayas, Caraga at Davao dahil sa Easterlies o hanging mula sa silangan.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nabanggit na lugar sa posibleng landslide at pagbaha.
Halos 100,000 deboto ang lumahok sa prusisyon ng replica ng Jesus Nazareno at 400 replica ng poon sa mga kalye ng Quezon Blvd., C.M. Recto, Loyola, San Sebastian, Hidalgo, Arligui at Carlos Palanca pabalik ng Villalobos patungo ng Plaza Miranda patungo ng simbahan ng Minor Basilica sa Quiapo.
No comments:
Post a Comment