Sunday, November 19, 2017

SEGURIDAD TINALAKAY SA ASEAN MAYORS' MEETING


NAGKAISA ang mga gubernador at alkalde ng ASEAN capital cities na magtulungan laban sa radikalisasyon at violent extremism sa rehiyon matapos ang madugong pagkubkob ng mga ISIS-inspired militants sa Marawi City kamakailan.
Sa isinagawang 5th Meeting of Governors/Mayors of ASEAN Capital Cities na pinangunahan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada”, masusing tinalakay ng mga lokal na opisyal mula sa 10 member-states ng ASEAN ang isyu ng seguridad, ayon kay Universidad de Manila (UDM) President Ernest Maceda.
Bilang kinatawan ni Estrada sa isang araw na summit na ginanap sa Ayuntamiento De Manila sa Intramuros nitong Biyernes, sinabi ni Maceda na tinalakay ng mga lokal na opisyal ang kani-kanilang kaalaman at karanasan sa seguridad at kontra-terorismo.
“Security was the first thing in our agenda because as you all know, Mayor Estrada’s top priority is peace and order…so the mayors and governors discussed how we could improve it among the capital cities,” pahayag ni Maceda sa isang panayam.
“We discussed best practices and there were suggestions on how we could integrate our security measures,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Maceda, tinalakay ng mga lokal na opisyal ang isyu ng Marawi sa nasabing pagpupulong at nagbigay ng mga suhestisyon sa pagpapalakas ng pulisya at militar at maging ng komunidad sa paglaban sa banta ng terorismo.
“Although it was a national problem on our part, they suggested we should strengthen police and military visibility, and tap the communities so that they will be empowered to prevent terrorist activities in their neighborhood,” ani Maceda.
Sa Singapore aniya ay may programang “COP” o Citizens-on-Patrol kung saan sinasanay ang mga residente na maging aktibo sa pagre-report ng mga kahina-hinalang gawain o indibidwal.
Sa lungsod ng Maynila, pinapatupad ng lokal na pamahalaan, sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang Community Support Program (CSP) na naglalayong ihanda ang mga barangay sa paglaban sa anumang uri ng banta.
Dating tinatawag na Peace and Development Outreach Program, ang CSP ay isang inisyatibo na naglalayong magtatag ng mga “conflict-resilient” na komunidad na handang sugpuin o labanan ang anumang uri ng banta sa seguridad at kaligtasan, pati na rin ang mga kalamidad.
Ayon kay Maceda, ang pagho-host ng Maynila ng 5th Meeting of Governors /Mayors of ASEAN Capital Cities ay nagresulta ng pagkakaroon ng mas malakas pang ugnayan ng mga ASEAN capitals.
Bukod sa seguridad, tinalakay din ang mga isyu ng turismo, liveable and sustainable communities, at governance and linkages.
“There are areas of connectivity that national governments cannot reach, hence, the need for our local governments to come together,” ani Maceda. Kino-quote niya ang una nang pahayag ni Indonesian President Joko Widodo na nag-organisa ng kauna-unahang Meeting of Governors /Mayors of ASEAN Capital Cities noong siya ay gubernador pa ng Jakarta mula 2012 hanggang 2014.
Ang tema ng 5th Meeting of Governors /Mayors of ASEAN Capital Cities ay “Bridging Capital Cities for Stronger ASEAN.”
Dinaluhan ito ng mga lokal na opisyal ng ASEAN capital cities tulad nina Mayor Low Yen Ling ng South West District, Singapore na kasalukuyang chairman ng
Mayors’ Committee; Ridzuan Bin Haji Ahmad, chairman ng Kuala Belait at Seria Municipal Board ng Bandar Seri Begawan, Brunei Darussalam; Mayor Myo Aung ng  Nay Pyi Taw, Myanmar; Deputy Governor of Bangkok Wanvilai Promlakano; Vientiane Vice Governor Keophilavanh Aphaylath; at Vice Chairman ng Hanoi People’s Committee na si Nguyen Doan Toan, at iba pa.

No comments:

Post a Comment