Monday, September 4, 2017

ESPENIDO PINALAGAN NG POLICE HIERARCHY SA WESTERN VISAYAS

Naudlot ang paglipat ng kontrobersyal na si Police Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City Police Office kahit pa inanunsyo na ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. General Ronald Dela Rosa ang kanyang pagkakatalaga bilang “officer in charge”.

Ayon kay Dela Rosa, OIC muna ang official designation ni Espenido dahil para sa isang highly urbanized area partikular ang syudad ng Iloilo ay kinakailangang Senior Superintendent ang ranggo ng mamumuno.

Pero agad ding kumambyo ang Chief PNP at sinabing hindi tuloy ang reassignment ni Espenido dahil na rin sa pagtutol umano ng mga taga-Ozamiz na nangangamba kapag agad itong umalis dahil hindi pa tapos ang problema sa iligal na droga sa naturang lugar.

Paliwanag naman ng isang insider sa punong tanggapan ng Pambansang Pulisya na hindi talaga maaaring maupo bilang hepe ng Iloilo City si Espenido dahil marami siyang masasagasaan na mas mataas ang ranggo sa kanya.

Katunayan umano, umalma ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Western Visayas kaugnay sa pagtatalaga kay Espenido bilang bagong hepe ng Iloilo City Police.

Isa si Western Visayas Police spokesperson Supt. Gilbert Gorero sa kumwestyon sa reassignment ni Espenido na dapat ay para sa isang mas mataas na ranggo lamang.

Sinabi ni Gorero na wala silang natatanggap na anomang assignment o posting order ni Espenido makaraang personal na italaga ito ng Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang Lunes.

Paliwanag ng opisyal, sa ilalim ng organizational structure at “staffing pattern” ng PNP, tanging ang may ranggong senior superintendent ang maaaring italaga bilang provincial at police director.

Dahil dito, matatagalan pa bago makalipat si Espenido dahil kailangang ayusin muna ang promosyon nito na aakyat sa ranggong Police Superintendent

No comments:

Post a Comment