Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang paglilipat sa Caloocan City ng ilang mga pulis mula sa Davao City.
Kasunod ito ng pagkakasibak sa may 1,000 pulis mula sa Caloocan City dahil sa nangyayaring pagpatay sa mga kabataan na idinadawit sa iba’t ibang krimen sa lungsod.
Ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent Dionardo Carlos, hinihintay na lamang nila ang pormal na direktiba mula sa Police Directorate for Community Relations para sa paglilipat.
Nauna nang hiningi ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang pagboboluntaryo ng mga pulis sa Davao City para maitalaga sa Caloocan City.
Paliwanag naman ni Carlos, ang ideya ng paglilipat ng mga pulis-Davao sa Caloocan City ay dahil sa pagtitiwala sa kakayahan ng mga ito.
“I think it’s the trust and confidence of Davao PNP. Alam niya kung paano sila magtrabaho. I don’t think ‘yung entire [Davao] PNP. 'Yung magbuo lang ng core group that can perform the duties in Caloocan,” dagdag nito.
Hindi pa matukoy ni Carlos kung ilang mga tauhan ng Davao City Police ang ililipat sa Caloocan City.
Matatandaang magkakasunod ang kontrobersyang kinasangkutan ng ilang tauhan ng Caloocan police kabilang ang pagpatay kina Kian Loyd delos Santos at Carl Angelo Arnaiz. Dagdag pa rito ang brutal na pagkamatay ni Reynaldo 'Kulot' de Guzman na hinihinala ring kagagawan ng mga pulis sa Caloocan dahil ito ang huling nakitang kasama ni Arnaiz bago ito natagpuang patay.
No comments:
Post a Comment