Sunday, September 17, 2017

OFWS BINALAAN: SEX NA WALANG KASAL, IWASAN

Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration ang mga overseas Filipino worker laban sa iligal na relasyong sekswal sa United Arab Emirates.
Batay sa abiso ng POEA, pinaalalahanan nito ang mga OFW na maituturing na krimen sa UAE ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal.
Ayon sa POEA, ang mga babae at lalaki na magkarelasyon at nagpaplanong manirahan nang magkasama o mag-live-in ay dapat na magpakasal muna bago sila maaaring tumira sa nasabing bansa bilang mag-asawa.
Bilang isang bansang Muslim na sakop ng Sharia Law, itinatakda ng UAE na ang pagsasama ng magkasintahang hindi pa kasal ay iligal at pinapatawan ng parusang tatlo hanggang anim na buwang pagkakakulong at posibilidad ng deportasyon.
Mahigpit ding ipinagbabawal sa nasabing bansa ang pagbubuntis at panganganak nang hindi kasal kung saan may kaakibat itong parusa ng hanggang anim na buwang pagkakakulong, deportasyon at panghabambuhay na ban.
Nauna rito, iniulat ng Philippine Consulate sa Dubai na mayroong ilang mga dayuhang magkasintahan, kabilang ang mga Filipino, ang nakakulong ngayon dahil sa paglabag sa nasabing batas.
Sinabi pa ng konsulado na nakatanggap ito ng ilang kahilingan para sa repatriation ng mga Pilipino sa Dubai at Hilagang Emirates na may mga anak ngunit hindi kasal.
Naniniwala sila na maaaring mai-endorso ng konsulado ang kanilang kaso sa Dubai Immigration nang hindi sila nakukulong, subalit hindi naidaraan sa negosasyon ang isyu ng imoralidad sa ilalim ng UAE penal system.

No comments:

Post a Comment