Saturday, September 16, 2017

PASSPORT APPLICATION PINADALI NG DFA

Matapos magbukas ng libo-libong appointment slots sa publiko, pinadali ng Department of Foreign Affairs ang passport application sa pamamagitan ng pagsasaayos ng appointment system.

Inayos ng DFA ang disenyo ng online appointment system para sa isang tingin lang ay makikita na ng aplikante ang mga bakanteng petsa kung kailan pwede siyang mag-apply o mag-renew ng pasaporte.

“Ngayon, hindi na nila kailangang i-click pa ang lahat ng petsa para lang malaman na ang susunod na appointment ay aabutin pa ng dalawang buwan,” wika ni DFA Office of Consular Affairs Executive Director Angelica Escalona.

"Kung bibisitahin mo ang ating appointment website, ang mga petsa na kulay pula ay pawang may naka-book na, samantalang ang mga petsa na kulay berde ay pawang mga bakante," dagdag pa ni Escalona.

Ang appointment system ay dinagdagan din ng feedback mechanism na nagsasabi sa aplikante kung merong problema sa kanyang aplikasyon at kung ano ang dapat niyang gawin upang malutas agad ito.

"Noon kasi walang feedback mechanism, kaya malalaman lang ng aplikante ang problema sa kanyang aplikasyon--kagaya ng discrepancies o pagkakaiba sa impormasyon o dokumentong isinumite--sa takdang araw mismo nang pagkuha niya ng pasaporte. Ang resulta ay babalik siya para magsumite ng impormasyon o dokumento at muli para kunin ang pasaporte," saad pa ni Escalona.

Sa bagong ipinatutupad na feedback mechanism, wika ni Escalona, ang aplikante ay makatatanggap ng e-mail na nagsasaad ng angkop na feedback mula sa DFA. Ang feedback ay ipinadadala sa aplikante 48 hours o dalawang araw matapos ang pagsusuri sa papeles ng aplikante. 

"Sa ganitong paraan, ang aplikante ay magkakaroon ng sapat na panahon upang maayos niya ang kakulangan o discrepancy sa kanyang papeles at hindi na magpapabalik-balik pa," dagdag pa ni Escalona.

Pinaaalala rin ng appointment system na kung ang aplikante ay senior citizen, person with disability o may kapansanan, buntis, solo parent, batang nasa edad na pito at pababa, o Overseas Filipino Worker, hindi na niya kailangang kumuha ng appointment. Bagkus ay pwede siyang mag-walk-in at gumamit ng courtesy lane. Kailangan lamang niyang ipakita ang kanyang ID.
Paliwanag ni Escalona, kahit nakasaad sa DFA website ang mga pwedeng gumamit ng courtesy lane, marami pa rin sa kanila ang dumadaan sa appointment system. Kaya minabuti ng DFA na paalalahanan silang gamitin ang kanilang pribilehiyo.

Ilan pa sa mga ipinatupad na agresibong pagbabago sa DFA ay ang pagsawata sa mga fixers na di pinapayagang pumasok sa DFA at gumamit ng online appointment system.

Nakikipagtulungan ang DFA sa National Bureau of Investigation-Cybercrime Division upang mahuli ang mga fixers na nagsasamantala sa mga aplikante.

Sa Aseana, ang pangunahing opisina ng DFA sa passport processing, nagtalaga ng mga roving staff members upang tumugon sa mga tanong ng aplikante o magbigay ng agarang tulong sa loob ng pasilidad.

Dagdag pa ni Escalona, mababawasan ang init habang naghihintay sa kanilang opisina sa Aseana dahil nagdagdag na rin ng tents at electric fans sa lugar. Meron ding water stations na pwedeng kunan ng mga aplikante ng malamig na inuming tubig.

"Ang mga pagbabagong ito ay ginagawa namin upang maibigay sa tao ang serbisyong karapat-dapat para sa kanila. Simula pa lamang ang mga ito. Marami pa kaming gustong ipatupad upang maging mas mabilis, maginhawa at maayos ang pagkuha ng pasaporte hindi lamang sa Aseana kundi sa lahat ng satellite offices, consular offices at foreign posts ng DFA," pagtatapos ni Escalona.

No comments:

Post a Comment