NAANTALA ang paglipat ng kontrobersyal na hepe ng pulisya na si Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo dahil mayroon pa umano itong hindi natapos na trabaho sa Ozamiz City.
Ang target niya-ang nakatakas na si Ricardo 'Ardot' Parojinog, konsehal sa Ozamiz City.
Ang sabi ni Espenido, patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa mga komunidad upang masukol si Ardot.
"One of the Parojinog brothers with the name of alias 'Ardot' is still at large. We know already that this person is notorious because he is the one, in public knowledge, who is the leader of a certain martilyo gang," paliwanag ni Espenido.
Sinabi ni Espenido na sa sandaling mahuli na si Parojinog ay mapapayagan na siyang maitalaga sa Iloilo City.
Una nang sinabi ni Philippine National Police chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa na kailangan pa ng Ozamiz City si Espenido lalo na’t nangangamba ang mga residente roon dahil nananatiling nakalalaya si Parojinog.
Nakatakas ang konsehal na Parojinog sa madugong operasyon sa bahay ng pamilya nito noong Hulyo 30 kung saan 16 ang patay kabilang ang kapatid nitong si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.
Ngayong pursigido si Espenido na mahanap si Ardot, ang tanong ng marami-matulad kaya siya sa sinapit ng kapatid na si Mayor Reynaldo Parojinog?
No comments:
Post a Comment