Bumuo na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng grupong magtataguyod ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng host countries para paunlarin ang kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa ilalim ng Administrative Order No. 138-A, binuo ng DOLE ang Technical Level Negotiating Team upang makipag-usap sa katuwang nito para sa magiging sakop ng kasunduan ukol sa pamantayan sa paggawa sa mga dayuhang bansa sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs.
Naatasan din ang grupo na magbigay ng mga plano sa pakikipag-negosasyon, gayundin sa paghahanda ng ipatutupad na protocol at standard employment contract, kung kinakailangan.
“Bibigyang prayoridad ng grupo ang pagpapatupad ng pamantayan at mekanismo para sa proteksiyon at pangangalaga sa kagalingan at interes ng mga OFW at pagtataguyod ng kasunduan sa pagitan ng ating bansa at ng host country,” ani Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III.
Ang grupo ay pamumunuan ng Assistant Secretary for Legal, Legislative and Internal Affairs samantalang ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Deputy Administrators for Landbased and Seabased ay magsisilbing assistant team leaders.
Kasama ang International Labors Affair Bureau (ILAB) Director, Legal Service Director, Vice-Chairperson of the Bilateral Review Committee, at Labor Attaché.
Ang Labor Attache na nakatalaga sa host country ay magiging bahagi ng bilateral agreement at regular na makikipag-ugnayan sa Philippine Embassy o Philippine Consulate.
No comments:
Post a Comment