Mahigpit na pinaalalahanan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga manggagawang Pinoy na nais magtrabaho sa ibayong dagat laban sa mga iniaalok na trabaho para sa healthcare professional sa bansang Germany.
Ang babala ng POEA ay kasunod na rin ng natanggap na report na may isang “Meine Agentur 24” na umano’y nagre-recruit ng mga nurse at iba pang healthcare professional sa Germany ngunit natuklasang peke naman ang naturang job posting.
Ayon sa ulat ng Embahada ng Pilipinas sa Berlin, hindi matatagpuan sa online registry of businesses sa nasabing bansa ang naturang recruiter.
Wala ring nakuhang record ng Meine Agentur 24 recruiter mula sa kanilang database para sa listahan ng kanilang lehitimong accredited foreign employers.
Sinasabi na ang website at Facebook page ng Meine Agentur 24 ay may anunsiyo na kumukuha sila at tumatanggap ng aplikante para sa trabahong nurse at healthcare at nag-aalok din ng kurso para sa nursing staff bilang paghahanda sa kanilang pagtatrabaho sa Germany.
Sinisingil umano ng kompanya ang mga aplikante ng €5,425 para sa kanilang pag-aaral ng German language at nursing school training.
Iniulat din na ang aplikante raw ang kukuha at magbabayad ng kanilang sariling visa at may €5,360 sa kanilang bank account para sa gastusin sa kanilang 20-buwang pamamalagi sa Germany, kasama na ang gastos sa pagkain, tirahan, damit at transportasyon.
Paalala naman ng POEA sa mga Pinoy job seekers, huwag magpabiktima sa mga iligal na recruiter at mag-aplay lamang sa pamamagitan ng Triple Win Project o sa mga lisensiyadong Philippine recruitment agencies.
Maaari rin anilang i-beripika ng mga aplikante kung lehitimo ang recruitment agency sa POEA website http://www.poea.gov.ph/ services/recruiters.html.