Friday, December 1, 2017

KARAHASAN SA MGA KATUTUBO, ITIGIL


NANAWAGAN ang isang Pari na itigil na ang karahasan sa mga katutubo matapos silang lumikas makaraang maipit sa kaguluhan sa Lianga, Surigao Del Sur.
Ayon kay Fr. Fortunato Estillore, Indigenous Peoples Director ng Diocese of Tandag na naipit ang mga katutubong Lumad dahil naapektuahan sila nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na teroristang grupo ang New People’s Army.
“Tungkol po yan sa mga NPA, yun na kasi ang utos sa AFP ngayon. Ongoing yung operation sa bundok saka maraming encounters, kapag ganung pangyayari, talagang sila [mga Lumad] ang unang naaapektuhan, sila ang mga naiipit sa gulo,” bahagi ng pahayag ni Fr. Estillore sa Radyo Veritas.
Bukod dito, sinabi ng pari na hindi pa rin nawawala ang banta sa kaligtasan ng mga Lumad dahil sa pagmiminang nais isagawa sa kanilang ancestral lands.
Kaugnay dito, muli ding humihingi ng tulong si Fr. Estillore, para sa pangangailangan ng mga katutubong lumikas mula sa kabundukan.
Ilan sa mga pangunahing kailangan ng mga lumad na nag-bakwit ang bigas canned goods, noodles at iba pang pagkain, gayundin ang mga gamit para sa personal hygiene tulad ng mga sabon pampaligo at sabong panlaba.
Magugunitang noong 2016 ay nagkaroon din ng malawakang paglikas ang mga lumad mula sa kanilang tahanan dahil sa karahasang dinaranas nito mula sa mga paramilitary groups at ang Diocese of Tandag ang isa sa mga nanguna sa pagkupkop sa mga katutubong nangailangan ng makakain at matutuluyan.

Sa kasalukuyan nananatili ang mga lumikas na lumad sa Kilometer 9, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur. 

No comments:

Post a Comment