Wednesday, December 13, 2017

MARTIAL LAW EXTENSION PASADO SA CONGRESS



Tumagal lamang ng mahigit  t apat na oras ang ginawang paghimay ng dalawang kapulungan ng Kongreso upang pagtibayin ang hiling ng Pangulong Rodrigo Duterte na isang taon na extension sa Martial Law sa Mindanao.
Sa   joint session ng Kongreso inaprubahan ang pagpapalawig ng Martial Law sa boto na 240 yes, 27 no, at walang abstention.
Sa panig ng mga senador 14 ang pumabor habang apat   ang tumutol sa Martial Law extension na magtatagal hanggang December 31, 2018.
Sa December 31, 2017 na sana mapapaso ang Martial Law sa Mindanao na ipinatupad kasunod nang pag-atake ng Maute terror group sa Marawi City noong Mayo 23, 2017.
Kabilang sa mga dumipensa sa posisyon ng Pangulong Duterte na humarap sa mga mambabatas sa Kamara ay sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Sec. Delfin Lorenzana, Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, PNP Chief Ronald dela Rosa, AFP Chief of Staff Rey Leonardo Guerrero, dating AFP chief at retired Gen. Eduardo Ano na ngayon ay undersecretary ng DILG at si National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Agad na ginisa ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang ilang mga opisyal ng Duterte administration ukol sa basehan ng Martial Law extension.
Inurirat niya ang pagpapalawig ng isang taon pa ng batas Militar sa Mindanao, gayong wala namang “actual combat” o rebelyon na nangyayari.
Pero iginiit ni Sec. Lorenzana na kailangan pa rin ang Martial Law para sa pagpapatuloy at pananatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Depensa ni Lorenzana, kahit liberated na ang Marawi sa Maute-ISIS group meron pa umanong nangyayaring aktibong recruitment na ginagaw ang mga ISIS inspired groups na ang puntirya ay mga Muslim na kabataan sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ginawa niyang halimbawa   ang ilang insidente ng labanan sa ilang lugar sa Tawi-Tawi, Basilan, Sulu at iba pa.

Bago nagsimula ang pagtatanong,  sinabi ni  Sec. Medialdea na hindi nila intensyong magkaroon ng “unlimited Martial Law” dahil layunin lamang ng gobyerno na umiral ang pangmatagalang kapayapaan.
Giit ni Medialdea, lumipat na umano sa ibang lugar ang battlefield.  
Naitanong  ni Drilon kung  kung pasakalye  sa Martial Law sa buong bansa ang panibagong kahilingan sa isang taon na extension ng batas militar sa Mindanao.
Tumulong na rin sa pagtatanggol si Dep. Exec. Secretary Guevarra sa request ng Pangulong Duterte na Martial Law extension.
Aniya, may basehan daw ito dahil sa “continuing actual rebellion.”

Pero para kay Drilon, nakukulangan daw siya basehan ng gobyerno sa pagpapatupad ng isang taon pang extension sa batas militar.

No comments:

Post a Comment